Hindi ko akalain na may magagandang tanawin pala na maaaring mapuntahan sa Tanay Rizal. Para sa isang katulad ko na isang guro sa pampribadong paaralan ay sadyang hindi sapat ang kinikita. Ngunit sa tamang paggamit ng pera ay masasabing kahit kakarampot lamang ay masaya ka sa ginagawa mo. Kahit na pagod na pagod pagkagaling sa eskwelahan, ang pamamasyal o pagpaplano na pumunta sa isang lugar ang aking lubos na kasiyahan at nagsisilbing motibasyon. Kasama ko ang co-teacher ko sa pagtatravel sa iba't ibang lugar. Kahit nga museum nasisiyahan na kami.
Sa halagang 1,000 piso, pitong destinasyon ang napuntahan namin sa Tanay kasama na ang pamasahe, tour guide, pagkain at mga entrance fee. Sa totoo lang hindi naman mahal ang mga entrance fee. Medyo mahal ang bayad sa tour guide ngunit abot-kaya naman.
Sa totoo lang, pareho naming hindi alam ang pumunta sa Tanay sadyang malakas lang ang loob naming dalawa. Mula sa marikina, sumakay kami ng jeep na papunta Sta.Lucia (mga biyaheng montalban) Nang makababa kami sa Sta.Lucia, sumakay kami ng Taytay na jeep at bumaba kami sa junction. Naglakad kami ng kaunti hanggang Robinson. Sa Robinson ay may jeep na papuntang Tanay. Bumaba kami sa palengke at doon na kami sumakay ng tricycle. 1,000 piso ang sinabi sa amin na pamasahe at lahat ng gusto naming lugar ay mapupuntahan namin maliban sa Daraitan dahil sobrang layo na raw doon. Una naming napuntahan ang Pililia Windmill Farm.
Windmill Farm Pililia, Tanay Rizal
Ito ang tanawin na makikita sa kabilang side ng windmill. Isang napakalawak na lawa.
Entrance Fee: None
Sunod naman naming pinuntahan ay ang GROTTO. Sa dulong bahagi ay may malaking imahen ng Mahal na Birhen (Mama Mary) kumpara sa ibang GROTTO ay mas mababa na ito. (250 foot steps) Nakakapagod pero napakaganda rin ng tanawin ang iyong makikita kapag nasa itaas ka na.
GROTTO
Matapos naming mapuntahan ang Grotto, Regina Rica naman ang sunod. Malawak ang lugar kaya medyo natagalan kami. Bawal ang naka shorts kaya humiram yung co-teacher ko ng palda malapit sa convenience store. Mayroon talagang nakalaan para sa mga pagkakataong ganun. Pagpasok palang ng gate, masasabing napakapayapa ng lugar na iyon dahil nasa bundok at lahat ng tao ay disente. May mga guidelines na rin kung ano yung mga dapat gawin habang nasa lugar na iyon.
REGINA RICA
Tricycle parking fee : 30 pesos
Matapos naming mapuntahan ang Regina Rica, dinala naman kami sa Calinawan Cave. Ito yung lugar na entrance pa lang, adventure na. Habang nasa biyahe kami papuntang Calinawan Cave, puro bato ang nadaanan namin. Medyo masakit sa tagiliran pero sulit na sulit dahil ang ganda sa loob. Sinabi sa amin ng tour guide na huwag masyadong maingay kasi may mga paniki sa loob. Pero ayun buti na lang puyat sila noong gabi kaya safe pumasok sa kuweba na iyon. Masasabing isang HISTORY ang Calinawan Cave. Napakarami ang naganap sa lugar na iyon. Noon pala ay ginawang taguan ng mga Pilipino iyon noong panahon ng kastila. Sa lugar rin na iyon nagplano ang mga Pilipino at Amerikano kung paano nila mawawakasan ang paghahari-harian ng mga kastila sa bangsang Pilipinas. Doon rin dinadala at ginagamot ang mga sugatang sundalo na galing sa pakikipagdigmaan. May isang bahagi rin na lugar doon na may butas sa itaas at kapag sisikat na ang araw ay saktong tatagos ang liwanag sa ibaba. Sinasabing doon raw nakapaikot ang mga hapon habang nagdarasal. Noong makapasok ako sa Calinawan Cave, unang pagkakataon ko na makakita ng crystals. Sabi sa amin ng tour guide ay huwag hahawakan ang mga iyon dahil ang ating mga kamay ay may acid at kapag nahawakan natin yun ay mamamatay. Marami rin ang nabubuong bagay sa mga bato o tinatawag na rock formation. May hugis tao, mahal na birhen, dinosaur, saging, at iba pa. Sinasabing nandoon sa Calinawan Cave ang FOREVER. May hugis puso kasi na nabuong rock formation. Maraming pelikula na rin pala ang naganap sa Calinawan Cave. Maraming artista ang nag shooting o nagsagawa ng mga pelikula tulad nina Alice Dickson (DYESEBEL) Vic Sotto (Ok ka Fairy Ko), Jackie Chan, Julia Montes (From the movie The Strangers) at marami pang iba. May mga daan na maliliit kaya talagang kailangan yumuko at gumapang.
CALINAWAN CAVE
Entrance Fee: 20 pesos
Tour Guide: 200 ( if you want up to extreme 400 pesos)
Matapos naming puntahan ang Calinawan Cave, nagpunta naman kani sa Daranak Falls. Nagswimming kami ng sandali at natagalan dahil sa pagpipicture. Sobrang ganda kasi ng falls at malinaw ang tubig. Ngunit sobrang mabato at madulas dahil sa lumot kaya kailangan ng ibayong ingat.
DARANAK FALLS
Entrance Fee: 50 pesos
Locker: 50 pesos
Salbabida: 50 pesos
Medyo matagal kami sa Daranak dahil maraming tao at pila sa Comfort Room lalo na sa mga babae. Pero sulit naman dahil napakaganda ng lugar. Matapos naming puntahan ang Daranak, puunta naman kami sa Tanay Church. Ang simbahan na iyon ay matatagpuan sa bayan ng Tanay. Kung mapapansin, napakatanda na ng istruktura ng simbahan ngunit napanatili pa rin itong maayos. Sa simbahan na ito naganap ang Polo Y Servicio o sapilitang paggawa ng mga Pilipino sa mga inuutos ng pari at pamahalaan noong panahon ng kastila.
Tanay Church
Napakahaba na ng araw at damang dama na namin ang pagod. Huli naming pinuntahan ang Lighthouse o tinatawag na PAROLA. Pakiramdam ko nakarating na ako sa Batanes dahil sa lighthouse na ito. Ito ay ang nagsisilbing gabay ng mga mangingisda sa gabi. Tanaw na tanaw sa lugar na ito ang Laguna Lake.
Tanay Lakeshore/ PAROLA
Dito nagtatapos ang buong maghapon na Biyahe namin sa Tanay. Nakakapagod pero sobrang saya. Sa loob ng isang araw ay nakapunta kami sa pitong lugar at karamihan ay walang bayad at sadyang abot-kaya. 1,000 piso ang presyo ng pamasahe namin ngunit dinagdagan namin ng 100 pesos dahil sobrang layo talaga ng mga lugar. Parang lugi pa nga yung trycicle driver pero buti naman natuwa siya.
Dito ko napatunayan na sobrang ganda sa lugar ng Tanay Rizal . . . . . .
Maraming salamat sa pagbabasa. Hanggang sa muling paglalakbay.